
Kung ikaw ay isang pintor, anong larawan ang ipapakita mo sa harap ng Maykapal? Sa bawat araw na dumarating, ang ating buhay ay tila isang blangkong kambas na unti-unting pinupuno ng ating mga kilos at desisyon. Ang Diyos, sa kanyang habag at awa, ay nagbibigay ng mga kulay at liwanag, ngunit nasa ating mga kamay ang pagpili kung paano ito gagamitin upang lumikha ng isang obra.
Ang kasabihang “Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa” ay hindi lamang isang paalala kundi isang hamon, isang hamon na tuklasin ang ating kalakasan, at kahusayan. Ang awa ng Diyos ay parang hanging sumusuporta sa ating layag, ngunit tayo ang kailangang magmaneho sa dagat ng buhay. Paano makararating sa pampang kung ang isang bangka ay lulutang lamang at walang magpapagalaw? Hindi sapat ang magdasal at maghintay kailangang tayo ay kumikilos, at nagpupunyagi. Sa mga mata ng Diyos, ang pinakamagandang panalangin ay ang mga hakbang na ating ginagawa kahit mahirap, kahit natatakot, kahit hindi sigurado. Ang tanong ngayon ay, kung ang awa ng Diyos ay laging naririyan, ang gawa mo ba’y sapat na upang ito’y makamtan? Sa tuwing pipiliin mong bumangon mula sa pagkadapa, sa tuwing yayakapin mo ang hirap ng paggawa, at sa tuwing ibubuhos mo ang lahat ng iyong makakaya, ikaw ay nagiging kaparte ng plano ng Maykapal. Ang iyong mga gawa ay parang tinta na nagbibigay kahulugan sa kanyang likha.
Kaya’t sa iyong pagninilay, tanungin ang sarili. "Paano ko maisusulat ang kwento ng buhay ko sa paraang magiging karapat-dapat sa biyaya ng langit?" Tandaan, ang langit ay palaging nakatingin, ngunit ang mundong ito ay nangangailangan ng iyong tapang upang umangat. Ang kasabihan ay nagbibigay halaga na dapat tayo ay magsumikap sa bagay na nais nating makamit at samahan ng pananampalataya at tiyak ay gagabayan tayo ng Diyos sa ating paglalayag sa hamon ng buhay.
0 Comments