
Ano ang gamot sa Inang Bayan na puno ng sugat na patuloy na bumubuka? Sa paglipas ng panahon, tila walang patid ang pagdurusang ating nararanasan. Korapsyon, krimen, at pinagbabawal na gamot, ito ang mga kanser na unti-unting nilalamon ang ating lipunan. Lumalaganap ang mga ito tulad ng mga langaw na naghahasik ng lagim sa ating mga kalsada, tahanan, at puso. Hanggang kailan tayo magbubulag-bulagan? Hanggang kailan tayo magtitiis?
Tingnan natin ang mga taong inilalagay natin sa pwesto, mga pinunong may pangakong tila ginintuang bituin ngunit laging napapako sa kawalan. Kailan natin matatanggap na ang mga inaasahan nating maghahatid ng liwanag ay siya palang humihila sa atin sa madilim na daan? Sa bawat sulok ng ating mga lansangan, ang krimen ay parang aninong laging nakaabang. Takot ang namamahay sa bawat isipan, at kaligtasan ay tila isang pangarap na kayhirap makamtan. Isa sa pinakamatitinding ugat ng kasakiman ay ang salot na pinagbabawal na gamot. Ang lason nito ay unti-unting sumasakop sa isipan ng mga kabataan, ang haligi ng ating kinabukasan. Isang sakit na hindi lamang pisikal, kundi pangkaisipan na sumisira sa pangarap, sa buhay, at sa puso ng ating bayan. Hindi lahat ay kailangang magtapos sa pagkadurog. Kailan natin titigilan ang pagtanggap na ito’y pangkaraniwan lamang? Kailan tayo kikilos upang simulan ang paghilom? Oo, ang mga sugat ng ating lipunan ay malalalim, ngunit hindi ito nangangahulugang hindi na kayang hilumin. Hindi tayo maaaring mawalan ng pag-asa sapagkat bawat hakbang, gaano man kaliit, ay may kapangyarihang magdulot ng pagbabago. Bilang isang mag-aaral ng bayan, naniniwala akong may pag-asa pa. Ang edukasyon ang aking sandata, ang aking gamot para sa sugat ng Inang Bayan. Sa bawat aral na aking natutunan, sa bawat kaalamang aking nahuhubog, binibigyan ko ang sarili ko ng lakas upang makatulong sa paghilom ng mga sugat na ito. Ang laban ay hindi madali, ngunit hindi rin ito isang pangarap lamang.
Mga kapwa ko mamamayan, tayo ang sagot sa ating tanong. Ang paggaling ng ating bayan ay nagsisimula sa ating pagkilos, sa ating kamalayan, at sa ating pagkakaisa. Ang kanser ng lipunan ay hindi man ganap na maglalaho sa isang iglap, ngunit sa bawat araw na tayo’y lumalaban, unti-unti itong mababawasan at, balang araw, mawawala na ang sugat sa puso ng ating Inang bayan.
0 Comments