Sulatin Blg. 2 - Papel

Image description

Sa simula, ang buhay ay parang isang blangkong papel, malinis, tahimik, at puno ng posibilidad. Sa bawat paglipas ng araw, ito’y unti-unting napupuno ng mga salita, tuldok, at guhit na sumasalamin sa bawat desisyong ginawa, sa bawat pangarap na inabot, at sa bawat pagsubok na hinarap. Sa isang sulok ng buhay, naroroon ang isang tao na tulad ng papel, pinanday ng panahon, hinubog ng karanasan. Siya ay kilala bilang si Jeffrey, isang bata na mahilig sa musika, isang simpleng mag-aaral na nagsusulat sa papel ng kanyang buhay. Naniniwala siya na ang bawat pahina ng kanyang buhay ay may layuning ipaalala sa mundo na kahit ang pinaka-ordinaryong papel ay maaaring maging sisidlan ng hindi pangkaraniwang kwento.

Ang buhay ni Jeffrey ay parang isang blangkong papel na puno ng mga pangarap at posibilidad. Bilang isang bata na mahilig mag-gitara at mag-sketch, natutunan niyang gamitin ang musika at sining bilang mga kasangkapan upang magpahayag ng kanyang damdamin at ideya. Ang bawat tugtugin sa gitara at bawat guhit sa kanyang sketchbook ay nagsisilbing unang guhit sa isang paglalakbay na maghuhubog sa kanyang landas. Mula sa pagkabata, nakita ni Jeffrey ang sining at musika bilang mga pinto na magdadala sa kanya sa mas mataas na pangarap. Ngunit ang bawat pangarap, tulad ng isang papel na puno ng guhit, ay may mga pagsubok at pagdududa, may mga sandaling kailangang pagtibayin ang pananampalataya sa sarili upang magpatuloy. Nang pumasok si Jeffrey sa akademikong strand na STEM, napagtanto niya na ang buhay ay hindi palaging makinis tulad ng isang papel. Ang bawat pag-aaral, bawat proyekto, at bawat pagsusulit ay nagsilbing mga guhit na nagdadagdag sa kanyang kwento. Mga hakbang na nagpapalalim sa kanyang pang-unawa. Sa kabila ng mga pagsubok, natutunan niya na ang bawat hirap ay may layunin at kahulugan. Ang pagpasok sa STEM ay hindi lamang upang maging handa sa isang propesyon, kundi upang matutunan kung paano pagtagumpayan ang mga hamon ng buhay at makapagbigay kontribusyon sa larangan ng arkitektura. Sa murang edad may pangarap na siya upang maging isang Architect. Ang pagiging Architect ay hindi lamang isang propesyon na nais niyang tahakin, kundi isang layunin na magiging gabay sa kanyang pag-unlad. Para kay Jeffrey, ang bawat disenyo ay may layuning hindi lang magtayo ng mga gusali, kundi magbigay daan sa mga pangarap ng iba. Naniniwala siya na sa bawat gusali at estruktura na kanyang ididisenyo, ay magiging simbolo ito ng kanyang mga prinsipyo. Ang magbigay gabay, maghatid ng pag-asa, at magtayo ng mga lugar kung saan ang mga pangarap ay maaaring maging realidad.

Sa kabila ng mga pag-aalinlangan at takot sa hinaharap, si Jeffrey ay patuloy na nagsusulat ng mga guhit sa kanyang papel ng buhay. Ang bawat desisyon at hakbang ay nagsisilbing isang guhit na nagdadagdag ng kulay at kahulugan sa kanyang paglalakbay. Bagamat hindi pa tiyak ang hinaharap, siya ay patuloy na nagsusumikap upang magtagumpay. Naniniwala siya na sa bawat desisyon na gagawin niya, sa bawat hakbang na tatahakin, ay magiging bahagi ito ng mas malaking layunin, ang magbigay kontribusyon sa lipunan sa pamamagitan ng kanyang disenyo at mga pangarap. Ang dahilan ng kanyang pagsusumikap ay hindi lamang para sa kanyang sarili kundi para sa lahat upang makapagbigay ng mga estruktura at espasyo na magbibigay gabay at pag-asa sa mga taong patuloy na nagsusulat ng kanilang sariling kwento sa blankong papel.




0 Comments

DINO GAME